Biyernes, Pebrero 23, 2018

Sanctuario de Ntra. Snra dela Merced (Brgy. Matatalaib, Tarlac City, Tarlac)

Maari nating sabihin na tayo ay physically fit, mentally fit, emotionally fit at iba pa. Kumusta naman kaya ang ating buhay ispritwal? Baka naman kaya dito rin tayo nagkukulang? Ang simbahan o parokya ang pinakamabisang lugar para pakainin natin ang ating kaluluwa ng pagkaing nakabubuhay- ito ay ang salita at katawan ni Kristo. Marami sa atin ang nagbabadyang bisitahin ang mga iba't ibang parokya sa ating probinsya o kung saan man ang kaya nating marating bagamat malapit na ang mahal na araw. Pwede rin ito para magsilbing travel, paglalakbay o pilgrimage na kung tawagin ng iba. Dito sa Siyudad ng Tarlac, mayroong isang simbahan na dapat ninyong ilagay sa listahan ng mga pupuntahan ninyo. Dahil hindi lang ito isang ordinaryong simbahan kundi ito ay isa nang Sanctuario. Ano nga ba ang sanctuario? Malaki ang kaibahan ng parokya at sanctuario. Ang parokya ay isang lugar na kung saan maraming tao ang nagsisimba at nananalangin. Ito ay tinatawag na bahay ng mga panalangin. Ang sanctuario ay mas banal kaysa sa ordinaryong parokya. Dahil ang sanctuario ay di lang bahay panalanginan kundi ito ay isang lugar na may solemn dedication sa patron at pinaniniwalaang ito ay may mas malakas na koneksyon o pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ayon sa mga mananamplataya, mararanasan din dito ang pamamagitan ng patron sa pagitan ng tao at ng Diyos.

Isang simbahan sa Tarlac ang magiging isang sanctuario sa darating na ika-24 ng Pebrero 2018. Natupad na rin ang aming pangarap na maging isang ganap na sanctuario ang aming simbahan. Ang simbahang ito ay nagngangalang "Parroquia de Nuestra Senora dela Merced". Ito ay dedikado sa titulo ng Mahal na Birhen Maria na tumubos sa mga inaaping Kristiyano sa kamay ng mga Moro. Ipinagdidiwang ng mga parokyano ang kapistahan ng anibersaryo nito tuwing ika-24 ng Setyembre na nasasakto sa kapistahan ni Maria bilang Virgen dela Merced. Dobleng pagdiriwang.

 Maganda ang lugar na ito kung pananalangin ang pag-uusapan. Meron itong tahimik at taimtim na paligid lalo na kapag ikaw ay nasa loob. Ayon sa iba, nararamdaman nila na malakas ang presensya ng Diyos at ni Apung dela Merced sa simbahang ito. Kung gusto niyo namang magsimba at damhin ang presensya ng Diyos, ipinagdidiwang ang banal na misa sa ganap na 6:15 am (Lunes hanggang Sabado) habang 7:00 am, 8:30 am at 5:00pm naman tuwing Linggo. Sa likod ng simbahan meron itong grotto na pwede mong hulugan ng barya pagkatapos ng magdasal.

Pinaniniwalaan dito na kapag nagdasal na sa grotto at naglagay ka ng barya sa tubig, matutupad ang panalangin mo. Sa kaliwang bahagi ng simbahan ay mayroong candle room. Sa candle room, titirik ka ng kandila, may babasahin kang mga panalangin  at pagkatapos sabihin mo na ang binubulong ng iyong puso. At ayon sa marami, nasagot ang kanilang mga panalangin dahil sa makapangyarihang panalangin kay Apung dela Merced- at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nakumbinsi ang obispo na gawin itong sanctuario. Dito, hilig din ng mga parokyano ang makilahok sa mga aktibidad pamparokya katulad ng prusisyon na ginagawa kada Unang Sabado ng buwan, at pista. Mayroon ding novena alay sa patron kada Miyerkules. Isa nanaman itong dahilan kung bakit idedeklara ito bilang sanctuario.

 Hindi mo na kailangan pumunta pa ng Manaoag o Quiapo para makahingi ng himala. Nandito naman ang Parokya sa Brgy. Matatalaib, Tarlac City na kung saan ang patron ay may malakas rin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Manalangin lang ng taimtim at palakasin ang pananampalataya tiyak mangyayari talaga ang himala. Kumikilos ang Diyos sa mga taong naniniwala at nagmamahal sa kanya ng tapat at totoo. Kaya kung spiritual engagement ang kailangan mo, maaari mong puntahan ang simbahang ito. Sa desisyon ng obispo at petisyon ng mga parokyano at sa kabutihan ng Diyos, ang parokyang ito ay maitatatag bilang "Sanctuario de Nuestra Senora dela Merced" sa darating na ika-24 ng Pebrero 2018 sa ganap na 4;30 ng hapon. Ito ay pananda sa aming bilang mga parokyano ang aming pagkakaisa, pakikisama, matatag na pananampalataya at matapat na debosyon sa aming mahal na patron. Ikinagagalak namin ito at itinataas sa Diyos ang aming nag-uumapaw na tuwa. Kaya bilang parokyano at tagapaglingkod ni Apung dela Merced, inaanyayahan ko kayo na bisitahin ang aming sanctuario at sabay-sabay natin hanapin ang kaharian ng Diyos.


P.s. ang simbahang ito ay nasa Brgy. Matatalaib, Tarlac City along Matatalaib Road :)



Mga iba pang larawan:

Biyernes, Pebrero 16, 2018

Kung Hei Fat Choi

Kung Hei Fat Choi mga Cabalen!!! Year of the Dog na! Ano nanaman kaya ang magiging kapalaran natin sa taong 2018? Nawa'y puro swerte at kaginhawaan ang iparanas sa atin ng taong ito.

Sa panahong ito, uso nanaman ang mga "ang pao". Ito ay ang maliit na pulang lalagyan na nilalagyan ng pera at ibinibigay sa mga bata. Uso rin ang pagkain na tikoy. At bilang tradisyon ng mga Intsik, nagbibigay din sila ng mga pahayag sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga bituin o mas kilala sa tawag na astrolohiya.
Ang Chinese New Year ay isang napakahalagang pagdiriwang para sa ating mga kababayang Intsik. Wala itong permanenteng araw sa ating kalendaryo. Bagkus, ito ay ipinagdidiriwang sa sa araw na natapat ang "new moon" sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 20. Sa taong ito, ang "new moon" ay nataon sa ika-16 ng Pebrero 2018.

Dahil Chinese New Year ngayon, marami sa atin ang gustong pumunta sa Binondo upang maramdaman pang lalo ang Chinese New Year. Mayroong lugar sa Binondo na kung tawagin ay "Manila China Town". Ang Manila China Town" ay ang lugar dito sa Pilipinas na kung saan piling mo ikaw ay nasa bansang Tsina dahil sa katangian nito. Welcome Arc palang ay mala- Intsik ang disenyo nito. Sa Manila China Town marami ka rin pwedeng maengkwentro lalo na kapagdating sa mga pagkain. Subukan natin ang Kuchay Pork Dumpling Masarap ito lalo na kung isasawsaw ito sa suka at kung matapang ka, pwede mo pa itong dagdagan ng chili oil.
Pangalawa ay ang Hopia. Ang matigas na hopiang munggo ay yari sa mung bean paste. Ito ay hindi gaanong matamis hindi katulad ng iba. Pangatlo ay ang fried siopao. Ang siopao ay kilalang meryenda dito sa Pilipinas at meron itong dalawang flavor. Ang asado at bola-bola. Ang siopao na ito ay i-steam at pagkatapos ay ipiprito.

Sikat rin ang "dragon dance" sa panahong ito. Dahil paniniwala ng mg Tsino, ang dragon dance daw ay nagdadala ng swerte at nagpapalayas ng mga masasamang espiritu at kamalasan. Pakinggan ng mga malalaking tambol na kanilang itinutugtog at tignan ang mga makukulay na dragon na kanilang isinasayaw. Talagang mamamangha ka dito at mararamdaman mo lalo ang kulturang Tsino sa Pilipinas.

Ang Chinese New Year ay ang pakikiisa at pakikisama natin sa ating mga kababayang Tsino. Chinese New Year man o hindi, wag nating ibase ang ating kapalaran sa posisyon ng mga bituin. Lahat tayo ay may nararanasang swerte at malas. Likas na sa tao ito dahil nasa atin ang swerte at ang malas. Tayo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran. Ang astrolohiya ay gabay lamang. Nasa kamay natin ang desisyon kung paano tayo kikilos upang ang swerte mismo ang lumapit sa atin. Happy Chinese New Year ulit at magandang gabi.

Biyernes, Pebrero 9, 2018

Ang Dambana alay sa kabayanihan

Ang bayan ng Capas, Tarlac ay kilala bilang "history capital" ng Probinsya ng Tarlac dahil narito halos ang mga dambana at palatandaan na mayroon kinalaman sa kasyasayan ng Pilipinas simula pa noong rehimen at pamumuno at maging pang-aapi ng mga Hapon.  Kagaya ng ibang dambana o landmark dito sa Pilipinas, ang lugar na ito ay malimit ring punatahan ng ating mga kapwa Pilipino di lang upang pangaralan ang katapangan at kabayanihan na inialay ng ating mga sundalo, kundi dahil isa rin itong pasyalan dahil sa payapa at nakakabighaning kwento sa likod ng lugar na ito.

Ang Capas National Shrine ay matatagpuan sa Brgy. Cristo Rey, Capas, Tarlac. Isang napakapayapang baranggay sa Capas, Tarlac dahil ito ay malayo sa kabayanan. Ang Capas Concentration Camp o mas kilala sa tawag na Capas Shrine ay may taglay na historikal ngunit masalimuot na kasaysayan.

Noong panahon ng mga Hapon (1942-1945) kasagsagan ito ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas. Noong panahong iyon. Itinatag ito bilang Camp O'Donell at nagsilbing kulungan ng mahigit 40,000 na sundalong Pilipino at 9,000 na sudalong Amerikano na kasali sa mga dumanas ng Death March. Ang Death March ay ang sapilitang martsa ng mga bilanggo ng digmaan o iba pang bihag na kung saan ang mga indibidwal ay iniwaang mamatay sa kalsada. Mahigit kumulang sa 31,000 na kawal ng nasawi sa kampong ito dahil sa sakit, at dobleng pagpapakasakit mula Abril hanggang Hunyo 1942. Inilibing ang mga namatay sa iisang hukay na kilala bilang Capas Concentration Camp. Ito ay dineklara bilang isang Pambansang Dambana noong ika-9 ng Oktubre 1991.

Ang kapaligiran ng Capas Shrine ay napakatahimik at napapaligiran ng 31,000 na puno. Ang mga puno ay ang parangal sa mga 31,000 na kawal na nasawi noong kasagsagan ng digmaan. Sa bandang likuran, mayroon nakatayong isang museyo na kung saan makikita mo ang mga larawan ng mga pangyayari noong panahon ng mga Hapon. Nandoon din ang isang parte ng tren na kanilang ginamit. Sa kabilang banda, mayroon namang 'hanging bridge" na tinatawag. Sa sobrang lawak ng lugar, pwede mo ring ma-enjoy ang paglalakad sa napakahabang daan nito. obelisk. Ang obelisk ay ang matayog na tore nakatayo sa kalagitnaan ng nasabing lugar. Nakapaligid sa obelisk ang listahan ng mga pangalan ng mga nasawi na nakaukit pa sa mga malalaking tiles. 20 pesos lang ang presyo ng pagpasok dito.


Buong pusong inialay ng ating mga sundalo ang kanilang dugo't pawis maging ang kanilang mga buhay upang ipaglaban ang ating bansa laban sa mga bansa na may balak manakop dito, Bilang mamamayang Pilipino, nararapat lang ng parangalan natin sila dahil sa dakilang pag-alay ng kanilang mga buhay para sa ating inang bayan. Ito na rin ang ating utang na loob sa ginawa nilang kabayanihan.











































Biyernes, Pebrero 2, 2018

Ang Kabisera ng kasalan sa Tarlac (Ramos, Tarlac)



Pebrero na! Panahon nanaman ng pag-ibig. Panahon na din para patunayan natin sa ating mga minamahal kung gaano natin sila kamahal. Paano nga ba nasusukat ang pagmamahal? Ito ba ay tungkol sa pagbibigay ng bulaklak o tsokolate? sa pamamagitan ng mga matatamis na mensahe? sa mga yakap? o sa tiwala at tunay na pagmamahal na kaya nating ibigay sa ating minamahal.

Marahil ganyan ng sagot ng mga ibang magkasintahan (kasali na ako dun haha) ngunit may mga nagsasabi rin na mas maipaparamdam mo na mahal na mahal mo siya kapag kaya mo na siyang iharap sa Panginoon at mangako na siya lang ang bumubuo sa puwang ng iyong buhay maging ng iyong puso at mamahalin hanggang sa kamatayan. <3

  Kung sa usapang pagpapakasal, mayroong dinadayong isang napakagandang simbahan dito sa Probinsiya ng Tarlac na tampok na tampok sa pagpapakasal ng mga taong nangangako at nanunumpa sa ngalan ng pagibig. Ito ay ang Shrine of St. Therese of the child Jesus" na matatagpuan sa Poblacion Sentro, Ramos, Tarlac. Ito ay isang napakagandang dambana/ simbahan na dedikado kay St. Therese (mas kilalang si Sta. Teresita ng batang Hesus) Siya ay isang Carmelite na madre na nag-alay ang kanyang buong sarili ng Panginoon at kilala rin siya sa kanyang taglay ng pagpapakababangloob (super humility).

Bakit naman binansagan ang simbahan na ito bilang "wedding capital of Tarlac"? Bukod sa maganda ang harap nito, taimtim din kapaligiran ng simbahan lalong lalo na sa loob (nasa larawan). Hindi ito masyadong maliwanag at hindi rin masyadong madilim. Napakaganda rin ang istruktura ng altar nito. Ang maganda pa rito ay napakataimtim ng seremonya o pagdidiwang ng banal na misa lalong lalo na kapag dating sa  mga kasalan. Ang simbahan na ito ay naka-aircondition na kaya hindi mainit sa loob kahit maraming tao. Kumpleto rin ang kanilang mga pasilidad.  Pwede na ring magsagawa ng piktoriyal sa mga hardin nito. Ang napakagarbong hardin ng simbahan ay nasa kaliwang bahagi nito. Dahil sa mga katangian nito, maraming ang may mas gustong magpakasal dito.

Kaya kung sa pagpapakasal, nandito lang ang Shrine of St. Therese sa Ramos, Tarlac. Bukod sa taimtim na pagdidiriwang ng kasal at banal na misa, ramdam mo rin dito ang tunay na pagibig kahit wala kang kasintahan dahil nandito ang tunay ng pagibig- ang Diyos 0:)


                                                                         " When one loves, one does not calculate"
                                                                                - St. Therese of the Child Jesus

Biyernes, Enero 26, 2018

Hannah's beach (Pagudpud, Ilocos Norte)

 

               















Enero palang ngunit ramdam na ramdam na natin ang tindi ng init ng araw na tumatama sa ating bansa. Ang iba ay nagbabalak ng pumunta sa mga lugar na kung saan ramdam na talaga nila ang bakasyon. Ang ating bansa ay kilala sa mga magagandang puntahan at tanawin. Mayaman daw ang bansang Pilipinas sa mga "tourist spots" na kung tawagin lalo na tag-araw na at malapit na nga ang bakasyon.

Bagamat tanyag ang Boracay para sa nakakarami dahil sa magagandang taglay nito. Katulad ng puting buhangin, asul na katubigan, mga pagkain, mga tuluyan, aktibidad at iba pa... Marami ang gustong pumunta rito ngunit hindi nila ito magawa dahil sa kadahilanang malayo ito o wala silang sapat na pera.

Kung ikaw ay nakatira sa Luzon at napakalayo nito sa Boracay, tama na ang pag-aalangan dahil malapit dito ang "Hannah's Beach" na matatagpuan sa Ilocos Norte, Bayan ng Pagudpugd. Ang "Hannah's Beach ay kinikilalang "Boracay ng Hilaga" dahil halos magkaparehas ang mga katangian nito sa Boracay. Tuwing tag-init, dinudumog rin ito ng napakaraming tao na galing pa sa iba't ibang probinsiya. Mula sa tuktok ng katabi nitong bundok, kitang kita mo sa itaas ang kagandahan ng dagat at kalikasan. Madami din itong panlibangan kagaya ng zipline, banana boat, all-terrain vehicles, trekking at water sports. Kung balak mong manatili magdamag, meron din silang ipinaparentang mga tuluyan o hotel. May mga tuluyan din na mura dahil ito ay 1500 php lamang ngunit hindi pa ito naka-aircon.  Samantalang ang mga hotel room ay nagkakahalaga mula 3,000-4,000 php. Tikman rin ang mga pagkain na hatid sa inyo ng kanilang serbisyo. May adobong pusit, kinilaw na tanigue, sinigang na maya-maya, inihaw na bangus at marami pang iba. pwede kang magpaluto sa halagang 250 php lamang. Maganda rin ang paglubog ng araw dito. Sa sobrang ganda ng lugar na tila ayaw munang umalis.


Ang Hannah's beach ay sumusulpot rin bilang "crown jewel of the North" Kaya ano pang hinihintay mo? Simulan ng mag-ipon at tuklasin ang kagandahan ng paraisong ito na naghihintay sa iyo sa Pagudpud lalo na at sasapit nanaman ang tag-init :)