Biyernes, Pebrero 23, 2018

Sanctuario de Ntra. Snra dela Merced (Brgy. Matatalaib, Tarlac City, Tarlac)

Maari nating sabihin na tayo ay physically fit, mentally fit, emotionally fit at iba pa. Kumusta naman kaya ang ating buhay ispritwal? Baka naman kaya dito rin tayo nagkukulang? Ang simbahan o parokya ang pinakamabisang lugar para pakainin natin ang ating kaluluwa ng pagkaing nakabubuhay- ito ay ang salita at katawan ni Kristo. Marami sa atin ang nagbabadyang bisitahin ang mga iba't ibang parokya sa ating probinsya o kung saan man ang kaya nating marating bagamat malapit na ang mahal na araw. Pwede rin ito para magsilbing travel, paglalakbay o pilgrimage na kung tawagin ng iba. Dito sa Siyudad ng Tarlac, mayroong isang simbahan na dapat ninyong ilagay sa listahan ng mga pupuntahan ninyo. Dahil hindi lang ito isang ordinaryong simbahan kundi ito ay isa nang Sanctuario. Ano nga ba ang sanctuario? Malaki ang kaibahan ng parokya at sanctuario. Ang parokya ay isang lugar na kung saan maraming tao ang nagsisimba at nananalangin. Ito ay tinatawag na bahay ng mga panalangin. Ang sanctuario ay mas banal kaysa sa ordinaryong parokya. Dahil ang sanctuario ay di lang bahay panalanginan kundi ito ay isang lugar na may solemn dedication sa patron at pinaniniwalaang ito ay may mas malakas na koneksyon o pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ayon sa mga mananamplataya, mararanasan din dito ang pamamagitan ng patron sa pagitan ng tao at ng Diyos.

Isang simbahan sa Tarlac ang magiging isang sanctuario sa darating na ika-24 ng Pebrero 2018. Natupad na rin ang aming pangarap na maging isang ganap na sanctuario ang aming simbahan. Ang simbahang ito ay nagngangalang "Parroquia de Nuestra Senora dela Merced". Ito ay dedikado sa titulo ng Mahal na Birhen Maria na tumubos sa mga inaaping Kristiyano sa kamay ng mga Moro. Ipinagdidiwang ng mga parokyano ang kapistahan ng anibersaryo nito tuwing ika-24 ng Setyembre na nasasakto sa kapistahan ni Maria bilang Virgen dela Merced. Dobleng pagdiriwang.

 Maganda ang lugar na ito kung pananalangin ang pag-uusapan. Meron itong tahimik at taimtim na paligid lalo na kapag ikaw ay nasa loob. Ayon sa iba, nararamdaman nila na malakas ang presensya ng Diyos at ni Apung dela Merced sa simbahang ito. Kung gusto niyo namang magsimba at damhin ang presensya ng Diyos, ipinagdidiwang ang banal na misa sa ganap na 6:15 am (Lunes hanggang Sabado) habang 7:00 am, 8:30 am at 5:00pm naman tuwing Linggo. Sa likod ng simbahan meron itong grotto na pwede mong hulugan ng barya pagkatapos ng magdasal.

Pinaniniwalaan dito na kapag nagdasal na sa grotto at naglagay ka ng barya sa tubig, matutupad ang panalangin mo. Sa kaliwang bahagi ng simbahan ay mayroong candle room. Sa candle room, titirik ka ng kandila, may babasahin kang mga panalangin  at pagkatapos sabihin mo na ang binubulong ng iyong puso. At ayon sa marami, nasagot ang kanilang mga panalangin dahil sa makapangyarihang panalangin kay Apung dela Merced- at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nakumbinsi ang obispo na gawin itong sanctuario. Dito, hilig din ng mga parokyano ang makilahok sa mga aktibidad pamparokya katulad ng prusisyon na ginagawa kada Unang Sabado ng buwan, at pista. Mayroon ding novena alay sa patron kada Miyerkules. Isa nanaman itong dahilan kung bakit idedeklara ito bilang sanctuario.

 Hindi mo na kailangan pumunta pa ng Manaoag o Quiapo para makahingi ng himala. Nandito naman ang Parokya sa Brgy. Matatalaib, Tarlac City na kung saan ang patron ay may malakas rin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Manalangin lang ng taimtim at palakasin ang pananampalataya tiyak mangyayari talaga ang himala. Kumikilos ang Diyos sa mga taong naniniwala at nagmamahal sa kanya ng tapat at totoo. Kaya kung spiritual engagement ang kailangan mo, maaari mong puntahan ang simbahang ito. Sa desisyon ng obispo at petisyon ng mga parokyano at sa kabutihan ng Diyos, ang parokyang ito ay maitatatag bilang "Sanctuario de Nuestra Senora dela Merced" sa darating na ika-24 ng Pebrero 2018 sa ganap na 4;30 ng hapon. Ito ay pananda sa aming bilang mga parokyano ang aming pagkakaisa, pakikisama, matatag na pananampalataya at matapat na debosyon sa aming mahal na patron. Ikinagagalak namin ito at itinataas sa Diyos ang aming nag-uumapaw na tuwa. Kaya bilang parokyano at tagapaglingkod ni Apung dela Merced, inaanyayahan ko kayo na bisitahin ang aming sanctuario at sabay-sabay natin hanapin ang kaharian ng Diyos.


P.s. ang simbahang ito ay nasa Brgy. Matatalaib, Tarlac City along Matatalaib Road :)



Mga iba pang larawan:

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento